‘di boto

Noong nakaraang Christmas break pumila ako. Isa ako sa daan-daang nag-cram upang magparehistro sa COMELEC at makakuha ng voter’s ID – para makaboto sa Mayo.

Wala akong kaalam-alam na kailangan kong magparehistro. Ni ‘di ko alam ang aking gagawin para ako’y makapagparehistro. Pero nais kong bumoto at alam kong karapatan kong bumoto. Kaya’t din ako nag-atubili pa at dali-dali akong pumunta sa munisipyo – tatlong araw bago ang dedlayn.

29 Disyembre 2006
Biyernes

Ligaw. Ako’y tila isang tupang ligaw na humahanap ng pastol. Sa pagka-aalala ko iyon ay ang pang-limang beses ko palang nakarating doon. Paro’t parito ako’y naglakad, inoobserbahan ko ang mga tao sa paligid at animo ako’y bangkang natangay ng daluyong ng tao. narrating ko ang kanilang pinaroroonan – magpaparehistro din pala sila. Para masiguro ang lugar na aking dinatnan nagtanong ako sa dumaang babaeng may katabaan na de-ID:

“Dito ho ba magpaparehistro?”

“Ay Oo, pero wala ng form, bumalik ka nalang bukas… bumalik ka bukas ng umaga.”


30 Disyembre 2006

Sabado, Araw ni Rizal – Ang Pambansang Bayani ng Aking Bansa

Pakiramdam ko ay isa akong rebultong dinadaan-daanan lang sa plasa – kasama ko’t daan-daang pang mamayang nakapili sa bagong gawang bakuran ng munisipyo. Labing-limang minuto pasado ika-pito ng umaga ay nakatulos na ang namamanhid naming mga paa’t binti at mag-iisang oras na ay hindi pa din umuusad ang pila. ‘Di naming alam kung ano ang nangyayari sa harapan ng pila ‘pagkat ni anino ng mga tao roo’y di naming naaaninag.

Buti nalang, sa wakas, purihin ang Panginoon!, naantala din ang pagkakatanim ng aming mga paa sa makulay at malinis pang bakuran ng munisipyo. Kasabay nito ay ang mahinahong ambon na wumisik sa kumukunot na naming mga mukha. Isang oras at kalahati pa ang lumipas ay nakita ko na din ang pinatutunguhan ng aming pinilahan.

“Nasaan ang pila doon?!”

Hindi na ako nagtaka kung bakit talo pa ng pagong ang usad ng aming pila.

Ika-sampu na ng umaga’t ‘di na magkanda-maliw ang mga taong nasa paligid ko. Mayroong mga nagsi-uwian na, nabagot at nagtungo na sa iba pa nilang gawain. Ako mismo ay nagsisimula ng mainip. Consuelo de bobo na lang na nakausap ko ng matagal ang kasabay kong kaibigan at ang pagkakakita kong muli sa mga ka-eskwela ko noong elementarya at hayskul na matagal ko ng hindi nakadadaupang-palad.

Ilang hakbang nalang ako at mararating ko na ang pinag-aabutan ng kontrobersyal na mga form at nagtila-rebulto na naman ang aming pila. Halos dalawampung minuto na kami nakatayo’t walang usad ng basagin ng isang mamang bigotilyong de-ID’t naka-pink na pang itaas ang aming pagmumukmok:

“Wala na ho palang form, pasensya na. Bukas nalang po!”

Lugi. Hay, higit kumulang apat na oras ang aking ginugol sinayang upang makapagparehistro. Hay…

“Bukas, bago tumilaok ang manok at dumampi ang liwanag at init ng araw sa lupa, paparito na ako…”

31 Disyembre 2006
Linggo, Araw ng Panginoon, Bisperas ng Bagong Taon, Huling araw ng pagpaparehistro, dalawang araw bago ang pag-balik sa seminaryo

Ika-lima’t kalahati ng madaling-araw – hay, wala pang tilaok, wala p’ang araw; ako at dalawang lalaki palang ang nasa pila – Tagumpay!

Iyon ang aking akala.

Pangatlo ako sa mga nakapila sa kuhanan ng form.

It’s now or never. Kung hindi ko ‘to matatapos ngayon, wala na, ‘di nako makakabalik, tapos na ang home visit at uuwi na ako sa seminaryo…”

Masaya akong naghintay, naghintay ng tatlong oras, tumayo, sumandal at umupo sa rilesan na nagpapatuwid sa pila. Doon na ko nagdasal ng panalangin sa umaga (Lauds – kung mali po ang aking pagsasalin huwag pong mag-atubiling itama, pakilimbag lang po sa comments). Doon na rin ako nag-agahan – dalawang pakete ng granola bar. Nakilala ko na rin ang dalawang lalaking nauna sa akin.

Matapos ang tatlong oras ng paghihintay nagsulputang parang mga kabute ang mga tauhang de-ID. Natuwa naman ako… kahit na yung pilang may mga form na ipro-process nalang ang inuna nilang papasukin sa gym.

“Ayos! Sigurado na ‘to”

Labing-limang minuto pa’t kami na ang pinapasok. Hay salamat, ooops, sandali, bakit may nauna na sa amin?!? Laking gulat ko – at ng dalawa ko pang kasabayan – ng mayroon ibang nauna sa pilahan namin sa loob ng gym. Akong pangatlong tao sa pila ay naging pampito at yung una’y naging pangatlo at yung pangalawa’y nakarating sa pang-labing-apat na puwesto.

Kampante pa din ako kahit na may ganoong kalokohang nangyari. Pero nagsimulang uminit ang ulo ko ng hindi ako binigyan ng numero (lahat ng 21 pababa ay inuuna) para magpalista. Ang nagpalala dito ay nang ‘di ako pansinin ng mga tauhan noong magrereklamo na ako at pinagpasapasahan ako noong mga gusto akong linawin. Hay… Dagdag parito ang balitang,

“babalik kayo sa petsang (1/7/2007) nakalagay sa number n’yo, wala ng form.”

Sa Mayo hindi ako boboto – hindi ito isang protesta, talagang ‘di lang ako makaboboto ‘pagkat rehistro’y wala ako.

Galit. Galit na galit ako noong mga panahong iyon. Sayang ang oras, sayang ang pagod, samahan pa ng kabalintunaa’t pag-apak ng danga’t karapatan. Danga’t karapatan bilang isang Pilipino. ‘Di boto ako.

Ngayo’y galit ay wala na. Pagrereklamo’y ‘di ko balak. Alam kong basag na ang mga tainga ng mga tauhan, puno na din ang kanilang mga mesa – mga reklamo, mga gawain, mga forms ng mga pumilang mamayang Pilipino, at mga forms pa ng kanilang mga kaibiga’t kakilala. ‘Di boto ako.

Ang nais ko lang ay ibahagi ang karanasang hindi ko nagustuhan, at kabalintunaa’t tahimik na karahasang aking napagdaanan. Gusto ko din iparating na ako’y ‘di sang-ayon sa mga maling nangyari, sa kawalan ng maayos na sistema. ‘Di boto ako.

Tatapusin ko ang akdang ito na may malinis, bukal, wagas at magaan na damdamin, sana pagkatapos ng eleksyon ganun din ang maramdaman nila – ito ang aking dasal.

8 thoughts on “‘di boto

  1. Ganyan talaga dito… magulo, walang maayos na instruksyon, walang direksyon. Di ka ba nagtataka kung bakit walang pagbabago ang ating kundisyon?

  2. Buti’t nabasa ko na ng buo ‘to. Grabe naman na experience yan. Di mo ko mapapagawang pumila ng ganun katagal tapos sasabihin pa na bumalik. Pag ako nandun, baka di na ako makapagpigil at manigaw na ako. Believe me, I can do that. You can even ask Carlo about it. Sayang sa oras. Bakit hindi sila prepared?! Bakit kailangan maubusan ng form?!! Ano ba yan…

  3. tsktsk… ganun talaga… character change is what we truly need sabi nga ng CBCP… liza, ‘di na kailangan sumigaw, sayang lang sa boses, ipangkakanta ko na lang o ipangdarasal… change or growth isn’t noisy – have you ever heard a tree grow?🙂 yung mga positibong pagbabago ay magpapa-usbong ng kapayapaa’t katahimikan. sana mag-simula sa atin…

    thanks for reading the whole story and dropping some comments. kaunti lang kayong dama ko ang presensya sa blog ko… yung iba kasi dadaan lang at makikinabang, di man lang nag-thank you, hehe… thanks ha! God bless!🙂

  4. i agree that the country has a lot of room for improvement, beginning with ourselves (character change). The question we need to answer is “What can we do?” – asked in a positive and action-oriented tone. And do it. Kahit isa ka lang, isa din ako, sa atin magsisimula ang pagbabago.

  5. ngayon ko lang nabasa ng buo ‘to. hay… ganun talaga dito sa Pilipinas, madaming mga kalokohan lalo na kung pag-uusapan ang pagbibigay ng pampublikong serbisyo.parang napakalaking favor para sa kanila yung pagseserbisyo sa mga mamamayan kaya napakadali sa kanilang pagpasapasahan ang mga tao lalo na kung may tanong ka sa paraan ng pagbibigay ng serbisyo – in short kung may reklamo tayo sa kanila.

    bilib din ako sa pagsusulat mo sa wikang Filipino.yung laud nga pala sa Filipino base sa aking pananaliksik sa UP Diksyunaryong Filipino ni Dean Almario ay nangangahulugang papuri.

  6. this one’s a really nice item to read… no dull moment… i came to check on this habang nagsesearch asko para sa takdang aralin natin sa panitikang filipino…familiar yung title…(naalala ko yung sa sign bearer) *sigh* mahirap pala pag walang libro…*tsk-tsk* maxao na yata ako naging dependent sa internet… at sa perks ng pagkakaron ng access… halos isang oras na akong ligaw…
    kasalanan bang maging apathetic lalo na sa mga issues ng bansa? halimbawa sa politics? i feel no corncern at all (or at least i choose not to feel…)

  7. great writing!!!yan ang isang dahilan kung bakit marami parin sa mga Pilipino ang hindi pa registered,,siyempre oras nila ang nasasayang sa pag-antay ng wala namang resulta.siguro hindi natin masisi ang mga mas nagnanais na magtrabaho nalang kasi para na rin un sa survival nila…right pa nga ba ang pagboto kung sa pagrehistro na nga lamang eh kitang-kita na ang privilege na tinatamasa ng mga iba na may koneksyon sa mga tagapangasiwa?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s